Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na naka-posisyon na ang kanilang pinaka-mahusay na sundalo upang magbigay seguridad sa mga dadalo sa 31st ASEAN Leaders Summit and related meetings.
Magsisilbing lead security unit para sa nasabing event ang Joint Task Force National Capital Region na pinamumunuan ni Brig. Gen. Jesus Manangquil Jr.
Ayon kay AFP spokesman, Maj. Gen. Restituto Padilla, makaaasa ang mga dadalo lalo ang mga foreign leader at mga bisita na nakahanda ang JTF-NCR maging ang metro sentinel ng national seat of government sa anumang worst case scenario sa November 10 hanggang 14.
Nagtalaga rin anya ang JTF-NCR ng augmentation forces sa National Capital Region Police Office at Presidential Security Group sakaling magkaroon ng anumang natural at man-made disaster na maaaring mangyari sa kalagitnaan ng summit.
Mahigit limampu’t pitong libong pulis at sundalo ang idedeploy para sa asean summit na gaganapin sa Metro Manila at Pampanga kung saan isang send-off ceremony ang isasagawa, mamaya sa Quirino Grandstand, sa Maynila.