Mas pinaigting na ng Philippine National Police o PNP ang seguridad sa mga bus terminal, paliparan, pantalan at mga sementeryo sa buong bansa.
Kasunod ito ng inilargang Oplan Kaluluwa para siguruhing magiging ligtas at maayos ang paggunita sa Undas ngayong taon.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, halos 3,000 mga pulis ang ipinakalat sa Metro Manila para magbigay ng seguridad.
Pinayuhan naman ni Dela Rosa ang publiko na mag-ingat sa pag-atake ng akyat bahay ngayong karamihan ay nagbabiyahe o kaya naman ay nasa labas ng tahanan.
Aniya, siguruhing naka-sarado ng maayos ang mga pinto at binta ng tahanan at huwag ding kalimutan na ibilin sa kapitbahay na tignan ang mga iiwang bahay.
Umapela naman si Dela Rosa sa mga kagawad ng barangay na maging masigasig sa pag-iikot sa mga lugar upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga kawatan.
Pinayuhan naman ang mga magtutungo sa sementeryo na iwasan ang pagdadala ng mga alak, kutsilyo, baril, speaker at mga gamit sa pagsusugal.
—-