Mas paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang ipinatutupad na seguridad sa Baggao, Cagayan, matapos maaresto kamakailan ang dalawa umanong hinihinalang miyembro ng ISIS.
Ayon kay Baggao Commander Police Maj. Rodel Tabulog, hihigpitan ng pulisya ang pagbabantay sa lugar kasunod ng ipinahayag na pangamba ng mga residente doon.
Mas palalakasin din aniya nila ang kanilang intelligence gathering para matukoy ang iba pang suspek na nagsasagawa ng iligal na aktibidad sa nasasakupan.
Pahayag ni Tabulog, naaresto sina Alter at Greg Cariaga makaraang mahulihan ng improvised explosive device (IED), mga baril at bala, at watawat ng ISIS.
Patuloy naman aniyang inaalam ng pulisya kung may direktang kaugnayan sa teroristang ISIS ang dalawa na sinasabing bumuo ng Muslim community sa Baggao.