Nagpatupad na ng mas mahigpit na seguridad ang mababang kapulungan ng kongreso, bilang paghahanda sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Noynoy Aquino, sa Lunes, Hulyo 27.
Ayon kay House of Representatives Secretary General Marilyn Yap, limitado na lang sa mga may permit mula sa kanilang tanggapan, ang maaaring pumasok sa compound, simula ngayong araw.
Sinabi ni Yap na nakalista ang pangalan ng lahat ng nabigyan ng accreditation at ang mga ito lamang ang maaring pumasok sa compound.
16th Congress
Samantala, puspusan na ang ginagawang paghahanda ng senado, para sa pagbubukas ng ikatlong regular na sesyon ng 16th Congress, sa Lunes, Hulyo 27.
Kaugnay nito, naglabas na ng ilang guidelines ang Senate Public Relations and Information Bureau, para sa gagawing media coverage dito.
Bukod sa pagtatalaga ng mga ispesipikong lugar kung saan lamang maaring mag-interview, magkakaroon din ng traffic rerouting sa senate compound, at magpapatupad din ng dress code.
Maliban sa mga miyembro ng gabinete at maybahay ng mga senador, inaasahang dadalo din sa pagbubukas ng sesyon ang ilang mga dating senador at mga diplomat.
By Katrina Valle | Jill Resontoc (Patrol 7) | Cely Bueno (Patrol 19)