Mas hihigpitan pa ng mga otoridad ang seguridad sa Las Vegas matapos ang nangyaring masaker sa Mandalay Bay Hotel and Casino.
Ayon sa mga Pinoy sa Las Vegas, mas maraming tao ang pumapasyal sa lugar kapag Pasko at Bagong Taon kaya’t dapat lamang higpitan ang seguridad para maiwasan ang anumang trahedya.
Inamin ng mga Pinoy na takot silang magtungo sa mga matataong lugar dahil sariwa pa sa kanila ang nangyaring masaker habang isinasagawa ang concert.
Matatandaang umakyat na sa halos 60 ang patay habang higit 500 ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa isang concert sa bahagi ng Mandalay Bay Casino sa Las Vegas, Nevada sa Amerika.
Kabilang sa mga nasawi ang lone gunman na si Stephen Paddock na nagbaril sa sarili.
Bagama’t inalis na ng Las Vegas police ang anggulong terorismo sa nasabing pamamaril, patuloy pa rin naman ang isinasagawa nilang imbestigasyon hinggil dito.
_____