Plantsado na ang ilalatag na seguridad sa libing ni Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal sa Cebu City bukas.
Ayon kay Central Visayas Police Regional Office Director Chief Supt. Jose Mario Espino, tinatayang 300 mga pulis ang ipapakalat sa loob at labas ng Cebu Metropolitan Cathedral para siguruhing ligtas ang mga makikiisa sa libing ng kardinal.
Dadaan sa inspeksyon ang mga tao gayundin ang mga bag bago makapasok sa cathedral.
Samantala, tinukoy ni Msgr. Joseph Tan, tagapagsalita ng Archdiocese ng Cebu na laan na ang unang bahagi at gilid ng altar sa mga dadalong pari.
Maaari naman aniyang okupahin ng publiko ang balkonahe at ang hulihang bahagi ng katedral.
Kung mabibigo na makapasok sa loob ng simbahan ay maaari pa ring saksihan ang paglilibing sa yumaong kardinal sa pamamagitan ng panonood sa malalaking LED screen sa loob at labas ng compound ng simbahan at mapanood ng live sa pamamagitan ng Cebu Catholic Television Network.
Dadalo ang higit limang daang mga obispo at pari sa libing ni Cardinal Vidal bukas sa Cebu City.
Kabilang dito ay sina Manila Archbishop Luis Antonio Tagle, Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo at Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales.
Pangungunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang funeral habang ang long time secretary ni Vidal na si Cebu Auxiliary Bishop Dennis Villarojo ang siyang mangunguna sa homily sa Cebu Metropolitan Cathedral bandang alas-9:00 ng umaga bukas.
Inaasahan namang dadagsa ang mga mananampalatayang Katoliko upang magbigay ng kanilang huling pagpupugay sa yumaong kardinal lalo’t idineklarang holiday ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing araw sa buong Cebu.
—-