May ihihigpit pa ang ipinatutupad na seguridad sa Metro Manila kasunod ng nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu kahapon.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Debold Sinas, tiniyak nito na hindi sila malulusutan ng mga terrorista mula sa mindanao kahit ang ilan sa mga ito ay dito na naglalagi.
Dahil diyan, mahigpit din ang atas ni Sinas sa lahat ng kaniyang mga tauhan na doblehin ang pagbabantay sa mga checkpoint gayundin ang ibayong pagpapatrulya sa mga pampublikong lugar.
Bagama’t wala namang namamataang banta sa seguridad sa kalakhang maynila subalit hinikayat nito ang publiko na maging mapagmatyag at agad i-ulat ang anumang kahina-hinalang bagay tulad ng iniwang bagahe.