Kumikilos na ang schools division office ng Lapu Lapu City sa Cebu para palakasin ang seguridad sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.
Kasunod ito ng brutal na pagpaslang sa isang junior high school student.
Ipinabatid ng Department of Education na inatasan ng kanilang city division office ang pamunuan ng mga paaralan sa lungsod na limitahan hanggang alas 5:00 lamang ng hapon ang lahat ng aktibidad ng mga estudyante at payuhan ang mga bata na magdala na lamang ng kanilang pagkain para hindi na lumabas ng eskuwelahan.
Gayundin ay tiyakin na may security cameras sa paligid ng paaralan at kung maaari ay humiling ng dagdag na presensya ng mga pulis o tanod bukod pa sa paghikayat sa mga estudyante na grupo na maglakad sa kalsada lalo na kung gabi.
Kasabay nito, nagpaabot na ng pakikiramay ang DepEd sa pamilya ng 16 anyos na estudyante ng Maribago High School na ginahasa umano at binalatan pa ang mukha.