Bantay sarado na ng Bureau of Quarantine at ng Department of Health (DOH) ang mga paliparan at pier sa buong bansa.
Ito ay matapos magpositibo sa sakit ang isang Amerikana na nagbakasyon lamang sa bansa.
Ayon sa DOH, binabantayan ng mga screener ang mga pasaherong mayroong sintomas ng zika tulad ng lagnat, rashes at pamumula ng mata.
Samantala, posibleng mas dumami pa ang populasyon ng mga lamok na nagdadala ng sakit na zika virus ngayong panahon ng tag-init.
Ipinaliwanag ni Dr. Chito Avelino, Direktor ng DOH- Bureau of Quarantine na dahil sa mainit na panahon ay mas agresibo ang mga lamok na mag-breed o magparami.
Random testing
Tinanggihan naman ng Department of Health ang panawagang random testing o voluntary testing sa barangay level para sa zika virus sa kabila ng unang kaso nito sa bansa.
Ipinaliwanag ni Health Secretary Janette Garin na maaaring magdulot lamang ng panic o takot sa mga mamamayan ang random testing lalo’t hindi naman ito inirekomenda ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay Garin, hindi nila nais mapagkamalan ang ahensya na nag-aahente ng testing kit ng zika virus.
Magugunitang ipinanawagan ni Dr. Willie Ong, isang cardiologist at dating consultant ng DOH ang random testing sa barangay level makaraang kumpirmahin ng kagawaran noong linggo na isang Amerikana na bumisita sa bansa ang nahawa ng zika virus.
By Rianne Briones | Drew Nacino