Magdaragdag ng tauhan ang Philippine National Police (PNP) sa mga paliparan sa bansa.
Ito’y kasunod ng nangyaring pambobomba sa Brussels, Belgium at para na rin sa inaasahang dagsa ng mga biyahero ngayong Miyerkules Santo.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, nakipag-ugnayan na sila sa PNP Aviation Security Group para mag-request ng karagdagang 100 tauhan mula sa kanilang training school sa Laguna na ipadadala sa NAIA.
Idinagdag pa ni Mayor na inatasan na rin ang mga police regional director na magdagdag ng pwersa sa mga paliparan na kanilang nasasakupan.
Random check
Sinimulan na ng PNP Aviation Security Group o ASG ang pagsasagawa ng random check sa lahat ng mga sasakyang pumapasok sa mga paliparan.
Ito, ayon kay PNP-ASG Head Chief Supt. Pablo Francisco Balagtas, kasunod ng malagim na pambobomba sa Brussels, Belgium na ikinasawi ng mahigit 30 katao.
Paliwanag ni Balagtas, nagdagdag na rin sila ng routine visibility patrol at K-9 dogs sa mga parking space at sa mga lobby ng airport.
Giit ng opisyal, nais nilang matiyak na walang makalulusot na terorista sa iba’t ibang paliparan sa bansa.
“We are doing everything para masigurado natin yung ating seguridad sa paliparan, nagdagdag na tayo ng personnel to make sure na ang ating mga pasahero na dumadaan sa screening at security checkpoints ay ma-inspeksyon ang kanilang mga bagahe at mga sasakyan.” Pahayag ni Balagtas.
Passengers
Pinayuhan ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga mayroong flights sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA na dumating sa paliparan ng mas maaga.
Ito’y makaraang itaas ng MIAA ang heightened alert status sa gitna na rin nang nangyaring pag-atake sa Brussels, Belgium.
Kabilang sa mahigpit na ipatutupad ang pag-screen sa bagahe ng mga pasahero.
Bukod dito, inabisuhan din ang airport security forces na maging mapagmatyag.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal | Jelbert Perdez | Ratsada Balita