Magpapatupad ng mahigpit na seguridad ang mga awtoridad para kontrahin ang anumang tangkang sabotahe sa power supply sa May 9 elections.
Tiniyak ito ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines kasabay ang apela sa publiko para sa mahigpit na pagbabantay sa transmission facilities.
Ayon kay NGCP Spokesperson Cynthia Alabanza, mahigit 7 power installations sa Mindanao ang kailangang bantayan kayat hinihingi nila ang tulong ng publiko.
No threat
Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang banta ng terorismo sa mga tore ng kuryente lalo na sa Mindanao.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, hindi mga terorista o rebelde ang nagpapasabog ng mga tore, kundi ang mga mismong may-ari ng lupa kung saan nakatayo ang mga tore.
Sinabi ni Marquez na ilang taon na ring hindi nababayaran ang mga may-ari ng lupa, habang ang iba naman ay right of way ang dahilan kaya pinapasabog ang mga tore ng kuryente.
Bumuo na rin ang pamahalaan ng isang joint inter-agency task force sa Mindanao na tutok sa seguridad ng mga tore roon.
Ayon kay Marquez, layon nito na masigurong hindi mangyayari ang pananabotahe sa transmission lines sa mismong araw ng halalan.
Tiniyak pa ni Marquez na handa rin ang mga pulis na magbabantay sa mga polling precinct sakaling mag-brown out habang nagdadaos ng halalan.
May bitbit anya ang mga ito na flashlight at may nakahanda ring mga petromax.
By Judith Larino | Meann Tanbio | Jonathan Andal (Patrol 31)