Mas hinigpitan pa ang pagbabantay sa Mariano Marcos Memorial Elementary School sa Batac, Ilocos Norte na pagbobotohan ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at nang iba pa niyang pamilya.
Inasahang makakaboto ngayong araw ang pamilya Marcos kabilang na dito si dating first lady Imelda Marcos at pamangkin ni BBM na si re-Electionist Gov. Matthew Manotoc habang sa Laoag City naman boboto ang kaniyang anak na si Sandro Marcos.
Hindi naman papayagan ang mga miyembro ng media na makalapit sa mismong classrooms kung saan nagaganap ang botohan ng mga botante.
Nabatid na binigyan na lamang ng designated area ang mga mamamahayag upang maging maayos ang daloy ng mga bobotong botante.
Samantala, inaasahan namang aabot sa mahigit 400,000 ang bilang ng mga botanteng nakapagparehistro na at inaasahang boboto ngayong araw.
Sa ngayon, wala pang oras kung kailan boboto si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., pero inaasahan ito ngayong umaga kung saan, isasabay siya sa siyam na botanteng boboto sa kada silid ng paaralan.