Plantsado na ang seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) sa pagsisimula ng simbang gabi sa susunod na linggo sa buong bansa partikular na sa Metro Manila.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor sa ginanap na press briefing sa Camp Crame.
Ayon kay Mayor nasa heightened alert na ang PNP sa Oplan Ligtas Paskuhan at depende na sa mga district director, regional directors, provincial directors at iba pang mga unit commanders kung magtataas sa full alert status sa umpisa ng Simbang Gabi.
Sinabi ni Mayor alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez magde-deploy ng karagdagang mga pulis sa bisinidad ng mga simbahan upang bigyang proteksyon ang mga deboto na dadalo sa tradisyunal na Simbang Gabi.
Magtatalaga rin ng mga chokepoint at checkpoints sa mga istratehikong lugar partikular na para kumpiskahin ang mga ilegal na paputok na posibleng ipuslit naman sa merkado lalo na sa National Capital Region (NCR) kaugnay naman sa pagsalubong sa Bagong Taon.
By Mariboy Ysibido