Mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa paligid ng University of the Philippines sa Cebu City para sa ikalawang yugto ng Pili-pinas debates 2016 ngayong araw.
Maliban sa mga pulis na nakapaligid sa nasabing paaralan, may mga nagbabantay ding blue guards sa loob nito lalo na sa UP – Performing Arts Hall na siyang pagdarausan ng debate.
Kasunod nito, kuntento naman si COMELEC Chairman Andy Bautista sa ipinatutupad na seguridad matapos siyang harangin ng mga guwardiya at hanapan ng identification o ID pass.
Tinatayang aabot naman sa 2,000 na pawang taga-suporta ng mga iba’t ibang kandidato ang magsasagawa ng kani-kanilang pagkilos sa harap ng UP Cebu.
Samantala, handa namang ipasara ng Cebu City Transportation Office ang mga kalsada sa paligid ng UP Cebu kung kinakailangan.
By: Jaymark Dagala