Matapos ang Association of Southeast Asian Nations o ASEAN summit, itutuon na ng Philippine National Police o PNP ang kanilang atensyon sa seguridad para sa paparating na Pasko.
Ayon kay PNP Spokesman, Chief Superintendent Dionardo Carlos, ire – redeploy na nila sa mga mall at bus terminal maging sa mga commercial establishment ang mga pulis na nagbantay noong ASEAN Summit.
Magsasagawa din aniya sila ng crime mapping kung saan tutukuyin ang lugar na may pinakamaraming krimen at doon ibubuhos ang puwersa ng mga otoridad.
Pinaalalahanan naman ng PNP ang publiko na maging alerto sa mga modus operandi ng mga kawatan, partikular na ang Salisi Gang lalo’t nangunguna pa rin ang pagnanakaw sa pinakatalamak na krimen tuwing Holiday Season.