Pinaigting na ng Pilipinas ang seguridad sa Saudi Embassy maging sa airline nito dahil sa posibleng banta.
Ito, ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Rafael Seguis, ay alinsunod sa hiling ng Saudi government sa ilang bansa kabilang ang Pilipinas.
Gayunman, hindi anya nila mabatid kung anong uri ng security threat ang tinutukoy ng gobyerno ng Saudi Arabia.
Ipinunto ni Seguis na may hidwaan ang Saudi sa Iran kung saan inatake ang Saudi Embassy makaraang hatulan nila ng kamatayan ang isang Iranian cleric.
Samantala, inihayag naman ni PNP-Aviation Security Group Head, chief Supt. Pablo Balagtas na nag-deploy na sila ng karagdagang personnel sa boarding area ng Saudi flag carrier na nag-ooperate sa NAIA ng biyaheng Manila-Jeddah pabalik.
Inabisuhan naman ng Philippine Embassy ang mga Filipino sa Riyadh na manatiling kalmado sa gitna ng mga ulat na lumalala ang hidwaan ng Saudi Arabia at Syria.
Ayon sa embahada, walang rason upang mangamba para sa kanilang kaligtasan ang mga Filipino sa Saudi Arabia lalo’t patuloy ang pagbibigay nila ng updates kaugnay sa sitwasyon.
Ito ang tugon ng Philippine Embassy makaraang umapela ang mga pro-OFW group sa gobyerno na maghanda na sa oras na lumala ang sitwasyon sa Middle East.
Tinatayang 2.1 milyon ang mga Pinoy sa Gitnang Silangang Asya na karamiha’y naka-base sa Saudi Arabia.
By Drew Nacino