Pinauubaya na ng Malacañang sa mga awtoridad at lokal na opisyal ang seguridad at kaayusan sa traslacion 2018.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar tiwala siyang may sapat ng kaalaman at karanasan ang mga pulis at maging ang mga namumuno sa mga barangay sa taunang prusisyon.
Gayunpaman, tiniyak ni Andanar na kaisa nila ang pamahalaan sa panalangin na maging ligtas ang lahat ng debotong makikilahok sa traslacion ng Poong Nazareno.
Maayos at maagang nakaalis ng Quirino Grandstand ang andas ng Itim na Nazareno kaninang alas-5:05 ng madaling araw patungong Quiapo Church.
‘Basura’
Samantala, dismayado ang grupong Ecowaste Coalition sa dami ng basurang naiiwan ng mga lumalahok sa aktibidad ng Poong Nazareno.
Ito’y sa kabila ng kanilang panawagan na magkaroon ng zero waste na traslacion.
Ayon ka Daniel Alijandre ng Zero Waste Campaigner, nagsagawa sila ng “basu-run” at dito tumambad sa kanila ang mga basurang nakakalat na naiwan ng mga deboto.
Gayunman, umaasa pa rin ang grupo na makikiisa ang mga deboto sa pagkakaroon ng disiplina hanggang sa matapos ang aktibidad na may kaugnayan sa Itim na Nazareno.
—-