Kasado ang ipatutupad na seguridad ng Manila Police District (MPD) para sa unang araw ng bar examinations na gaganapin sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST), bukas Nobyembre 3.
Ayon kay MPD Director Brig. General Bernabe Balba, nasa 600 pulis ang kanilang ipakakalat sa paligid ng UST para matiyak ang maayos at mapayapang pagsasagawa ng bar examinations.
Nagbabala rin si Balba laban sa iba’t-ibang mga modus na maaaring mambiktima at sumabay sa dagsa ng mga kukuha ng pagsusulit at kanilang mga kaanak o tagasuporta.
Kaugnay din ng aktibidad, magpapatupad ng rerouting ang MPD-traffic enforcement unit kung saan magkakaroon ng stop and go situation sa mga sasakyang daraan sa bahagi ng Padre Noval, Dapitan, AH Lacson at España Boulevard.
Mahigpit ding ipagbabawal ang pagpapada sa mga nabanggit na lansangan sa Maynila.
Batay sa talaan ng Supreme Court, umaabot sa 8,245 ang bilang ng mga kukuha ng pagsusulit para sa pagka-abogado.
Gaganapin naman ang bar examinations sa apat na linggo ng Nobyembre. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)