Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang seguridad ng sambayanang Pilipino sa paggunita ng All Saints Day sa Nobyembre 1 at All Souls Day sa Nobyembre 2.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Ricardo Visaya, kaniya nang inatasan ang lahat ng unit ng militar na paigtingin ang kanilang intellegence gathering at monitoring gayundin ang kanilang security operations.
Pinatitiyak din ng AFP Chief ang pakikipag-ugnayan nila sa pulisya sa pamamagitan ng Joint Peace and Security Coordinating Council para pigilan ang anumang banta sa seguridad.
Aalalay din aniya ang Joint Task Force NCR ng AFP sa mga motorista na babaybay sa mga pangunahing kalsada partikular na sa North at South Luzon Expressways.
LGUs
Nanawagan naman ang Department of Interior and Local Government o DILG sa mga lokal na pamahalaan na tulungan ang Pambansang Pulisya.
Ito’y para matiyak na ligtas na maidaraos ng bansa ang paggunita ng mga Pilipino sa araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa o Undas.
Ayon kay DILG Secretary Mike Sueno, dapat bumuo ng sariling contingency plan ang mga LGU kabilang na ang pagdaragdag ng puwersa sa mga pampubliko at pribadong sementeryo.
Maliban pa ito sa dagdag-puwersang ipakakalat sa mga lansangan upang umagapay sa mga motorista dahil sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Stay alert
Nanawagan din ng tulong ang DILG sa publiko.
Ito’y para maipabatid sa kanila ang anumang pangyayari o emergency na posibleng maranasan sa kasagsagan ng paggunita ng Undas.
Ayon kay DILG Secretary Mike sueno, bukas ang mga emergency hotlines ng pamahalaan kahit weekend at holiday para tumugon sa anumang emergency o pangangailangan ng publiko.
Kabilang aniya sa mga hotlines ng pamahalaan ay ang emergency number 911 gayundin ang government hotline na 8888 at ang Itaga Mo Sa Bato app sa mga smartphone.
By Jaymark Dagala | Jonathan Andal (Patrol 31)