Biglang nagbago ang security set-up sa thanksgiving party ni President-elect Rodrigo Duterte sa Crocodile Park sa Davao City.
Hindi na kasi pinayagan ng Presidential Security Group na makalapit sa stage ang mga miyembro ng media dahil umano sa kadahilanang pangseguridad.
Ipinatupad ito, isang araw matapos ianunsyo ng kampo ni Duterte na hindi na ito magpapa-presscon at lahat ng pahayag ay ilalabas na lamang sa state-owned media na PTV 4.
Bukod sa PSG, kasama din sa pagbabantay ang mga pulis at militar.
Inaaasahan na dadaluhan ng 200,000 katao ang thanksgiving party ni Duterte na magsisimula ng ala-1:00 ng hapon at tatagal ng ala-1:00 ng madaling araw bukas.
Sinimulan na rin ng militar at pulisya ang pagsasagawa ng random checkpoints upang matiyak ang seguridad ni incoming President Rody Duterte at gayundin ng kanyang mga supporter.
Inaasahang libu-libong tagasuporta ni Duterte ang dadalo sa naturang event.
Mga bawal
Mahigpit na ipagbabawal ang inhalers at iba pang nasal decongestants sa mga dadalo sa thanksgiving party para kay President-elect Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos ang trahedyang nangyari sa music concert sa Pasay City kung saan lima ang nasawi na may senyales ng drug overdose.
Ayon kay Davao City Police Spokesperson Chief Inspector Milgrace Driz, nagagamit kasi ang inhalers bilang stimulants ng mga user ng ilegal na drogang ecstasy.
Maliban dito, ipagbabawal din sa Crocodile Park ang iba pang uri ng droga, inuming nakalalasing, babasaging bote, canned drinks, bladed weapon at iba pang matutulis na bagay.
By Jonathan Andal (Patrol 31)| Jelbert Perdez | Ralph Obina