Iginiit ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na hindi maaring magsagawa ang China ng seismic survey para maghanap ng langis, gas at mga mineral sa Benham Rise.
Ito ay kasunod ng naging kumpirmasyon ng Pangulo na alam niya ang aktibidad ng China sa naturang teritoryo.
Ayon kay Carpio, malinaw na itinalaga ng UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea na anumang mga reserba ng mineral at iba pa na matatagpuan sa Benham Rise na isang ECS o extended continental shelf ay pag-aari ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ng mahistrado na bagama’t hindi bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Benham Rise ay tinukoy naman ng UN Commission on the Limit of the Continental Shelf na bahagi ng ECS ng Pilipinas ang nasabing teritoryo
Ngunit nilinaw naman ni Carpio na hindi lalabag ang China o kahit sino pang bansa sa itinalaga ng UNCLOS kung ang ginagawa nitong survey ay limitado lamang sa fishery, water salinity research dahil ang isda at tubig sa Benham Rise ay pag aari ng sangkatauhan.
Maaari rin aniyang magsagawa ng navigational research sa nasabing lugar dahil umiiral dito ang freedom of navigation.
By Rianne Briones