Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Governor Oyie Umali ng Nueva Ecija, pangunahing nalubog sa tubig ang mga bayan sa ikatlo at ika-apat na distrito ng lalawigan.
Ang tubig aniya na mula sa bulubunduking lugar ng Gabaldon at Peniaranda ay bumaba sa mga bayan ng Bungabon, Laur, Palayan,Natividad, Cabanatuan, Sta. Rosa, San Leonardo, Jaen, San Isidro hanggang San Antonio at Cabiao.
Dalawa (2) na ang naitalang patay sa dako ng Laur samantalang dalawa pa ang nawawala sa dako naman ng Sta. Rosa.
Ayon kay Governor Umali, dapang-dapa ngayon ang sektor ng agrikultura sa kanilang lalawigan.
Marami aniya sa mga palay na malapit na sanang anihin ang nababad sa tubig at pinadapa ng malakas na hangin kaya’t imposible nang mapakinabangan.
“Yung aming mga palayan ang talagang dapang-dapa kasi yung hangin mga 12 hours na tuluy-tuloy eh, tapos at the same time, nung bumaha na, yung mga palay lalo na yung mga namumulaklak na ay nababad sa tubig, sa palagay ko hindi na mapapakinabangan ito.” Ani Umali.
Nasira din aniya ang ilang mga infrastructure sa lalawigan.
Sinabi ni Umali na magsasagawa pa ng verification ang Provincial Risk Reduction Management Council hinggil sa mga bilang ng nasawi sa Nueva Ecija.
“Dalawa kaagad yung sa may Sapang Buho na parang nalunod eh, sa Santa Rosa naman, 3 yung missing natagpuan na yung isa na buhay, yung dalawa na lang ang missing na hindi pa namin alam kung ano ang report.” Pahayag ni Umali.
By Mariboy Ysibido | Len Aguirre | Ratsada Balita