Handa na sa pisikal na pagsalubong sa Labor Day ang sektor ng paggawa at iba’t ibang militanteng grupo ngayong araw.
Ito ang kauna-unahang aktibidad ng mga manggagawa sa Pilipinas simula nang magpataw ng kaliwa’t kanang lockdown ang pamahalaan noong Marso 2020.
Matatandaang huling nagkaroon ng labor day protests ang kilusang manggagawa noong Mayo 1, 2019 bago pa mamerwisyo sa ating bansa ang coronavirus disease (COVID-19).
Noong nakaraang taon, ginawang online ng mga militanteng grupo ang kanilang protesta sa anila’y pang-aapi ng gobyerno sa uring manggagawa.
Ayon kay Elmer Labog, pambansang tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno o KMU, kabilang sa mga ipapanawagan nila ay ang P10,000 cash aid para sa mahihirap at nawalan ng trabaho sa gitna ng lockdown, isang daang pisong wage subsidy sa mga manggagawa at P15,000 production subsidy para sa mga magsasaka.
Titiyakin umano ng mga militanteng grupo na nasusunod ang sapat na physical distancing at health protocols para na rin makaiiwas sa hawaan ng COVID-19 sa gitna ng isasagawa nilang protesta.
Wala pang pahayag ang Philippine National Police (PNP) kung paano nila pakikitunguhan ang mga magpoprotesa ngayong araw.