Nanawagan ang grupong SELDA o Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detesyon at Aresto na ipatupad ng mga ahensya ang non-monetary indemnification para sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law.
Sinabi ni SELDA Chairman Bonifacio Ilagan sa programang “Balita Na Serbisyo Pa” ng DWIZ, alinsunod sa Republic Act 10368, obligado ang department of Health (DOH), DSWD o Department of Social Welfare and Development, Department of Education o DepEd, CHED o Commission on Higher Education, at TESDA o Technical Education and Skills Development Authority, na magbigay ng libreng serbisyo sa claimants na aprubado na ng Human Rights Victims Claims Board.
“Ito po ang gusto rin namin maisulong kase malaking bagay ito sa mga biktima ng martial law na nagkakasakit, walang pera, meron naman pala silang privilege na makatanggap ng serbisyo sa mga government hospitals”, pahayag ni Ilagan.
Batay sa tala ng Claims Board, nasa 30,000 ang biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng Martial Law ang kwalipikadong makatanggap ng partial monetary compensation.
Ayon kay Ilagan, halos 40,000 aplikante pa ang naghihintay ng kompensasyon.
Kaya bagaman masaya, aniya, sila na may naaprubahan na, nananawagan din sila para sa mabilis na proseso ng pag-apruba.
“Kami po ay nag-aalala dito dahil hanggang 2018 na lamang ang term ng Claims Board batay dun sa extension ng batas”, ani Ilagan.
By: Avee Devierte / Race Perez
Credits to: Balita Na Serbisyo Pa program ng DWIZ mapapakinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido