Walang nagbago matapos ang tatlong dekada.
Ito, ayon sa grupong Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto o SELDA, ay dahil nagpapatuloy umano ang impunity o ang paggawa ng krimen na walang napapanagot.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Ms. Marie Hilao Enriquez ng SELDA na umiiral pa rin ngayon ang counter-insurgency measures ng pamahalaan na ipinatupad din noon ng diktaduryang Marcos.
“Kahit sa katayuang pang-ekonomiya namin ay walang nagbago, nakawan pa rin ng nakawan sa gobyerno, ganyan po ang eleksyon ngayon kaya wala ka ring pag-asa diyan sa eleksyon.” Ani Enriquez.
“Ganun pa rin ang nangyayari yung mga illegal na pag-aaresto, mga pahirap, yung torture kahit na may anti-torture act na tayo, may anti-disappearance act ay nangyayari pa rin hanggang ngayon.” Dagdag nito.
Wala rin aniyang masyadong pinagbago ang buhay ng mga mahihirap sa kasalukuyan.
Not economically free
Hindi pa ganap na natatamo ng Pilipinas ang kalayaan sa kabila ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ito, ayon kay Senador Sonny Angara, ay dahil hanggang ngayon ay marami pang mga Pilipino ang hindi nakalalaya o nakaaahon sa kahirapan.
Ipinaliwanag ni Angara na bagaman “politically free” ay hindi pa “economically free” ang mga karamihan sa mga Pinoy.
Nasa kamay na aniya ng mga kasalukuyang opisyal ng gobyerno ang pagtugon at pagbibigay solusyon sa kahirapang nararanasan ng mga pangkaraniwang mamamayan.
Commission on Human Rights
Samantala, nanawagan naman si dating Commission on Human Rights (CHR) Commissioner Etta Rosales sa mga biktima ng human rights violation noong panahon ng Martial Law na huwag magmadali sa paniningil para mabayaran.
Ayon kay Rosales, umaabot na ngayon sa 75,000 ang mga claimants ng human rights violation.
Sa dami aniya ng mga lumantad na biktima ay humihingi sila ng dalawang taong extension para i-validate at i-verify ang mga biktima ng karahasan noon.
Ito ay kasunod ng pagpasa ng Kongreso sa 30 Human Rights Law sa tulong ng mga mambabatas, civil society groups, NGO, international human rights organization at diplomatic community para harapin ang mga human rights violation.
“There are 30 Human Rights Laws na pinagtulung-tulungang ipasa para tutulan at harapin ang mga atrocities and human rights violations and crime committed against the people.” Ani Rosales.
Sinabi ni Rosales na natutukan nila ang karapatang pantao ng bawat Pilipino na aniya’y nalabag noong panahon ng Marcos administration.
Kabilang aniya sa mga batas na ito ang Republic Act 10368 na naglalayong mabigyan ng kumpensasyon ang mga biktima nang paglabag sa karapatang pantaon noong Marcos regime.
“Isa na nga rito yung RA 10368 yung mismong kay Marcos na nagbibigay ng compensation, reparation, and recognition sa mga victims, martyrs, and heroes noong panahon ng karahasan ng diktadurya. We ask for 2-year extension, so sana huwag masyadong nagmamadali.” Pahayag ni Rosales.
By Jelbert Perdez | Mariboy Ysibido | Ratsada Balita | Balitang Todong Lakas