Umapela si Agriculture Secretary Manny Piñol sa mga negosyante na boluntaryo nang magpatupad ng ban sa pag-angkat ng mga karneng baboy at processed meat products mula sa mga bansang apektado ng african swine fever.
Kabilang sa mga bansang ito ang China kung saan halos kalahati na ng mga probinsya doon ang apektado ng african swine fever at umabot na rin sa border ng Hong Kong.
Gayundin sa Thailand, Cambodia at Vietnam na itinuturing namang high risk countries.
Binigyang diin naman ni Piñol, umaabot pa sa limang buwan ang suplay ng mga karneng baboy sa mga warehouse sa buong bansa kaya maaaring magpatupad ng moratorium o self-enforced moratorium sa pag-aangkat ng mga ito.
Una na ring hiniling ni Piñol sa Food and Drug Administration (FDA) ang pagpapa-recall sa merkado ng mga processed meat products na inangkat mula sa mga bansang apektado ng african swine fever simula pa noong August 2018.