Binatikos ni ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao Assemblyman Zia Alonto Adiong si PCO o Presidential Communications Office Assistant Secretary Mocha Uson.
Kasunod ito ng “selfie” picture ni Uson sa loob ng Grand Mosque sa Marawi City na nakasuot ng boots o sapatos at hindi pa nakasuot ng Hijab o kasuotan sa ulo ng mga babaeng Muslim.
Ayon kay Adiong, maituturing na isang lantarang paglapastangan at kawalang paggalang sa mga Muslim ang ginawa ni Uson lalo pa’t itinuturing nilang banal na lugar ang mga mosque.
Nangyari umano ang pagse-selfie ni Uson nang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Grand Mosque sa Marawi City na nabawi ng militar mula sa mga teroristang Maute.
Batay sa batas ng Islam, kinakailangang malinis at dapat magtanggal ng sapin sa paa ang sinumang papasok sa mosque at kailangan ding magsuot ng Hijab ang mga babae na tanda ng kalinisan at paggalang.
‘Presidents says’
Nagpaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit nakasapatos sila nang pumasok sa Grand Mosque sa Marawi City na nabawi ng militar mula sa Maute terror group.
Ito’y makaraang batikusin ni ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao Assemblyman Zia Alonto adiong si Presidential Communications Office o PCO Assistant Secretary Mocha Uson na nag-selfie sa mosque na nakasuot ng boots at walang Hijab o kasuotan ng mga babaeng Muslim.
Ayon sa Pangulo, marumi pa ang mosque nang bisitahin nila iyon ngunit sabay giit na wala silang intensyon na lapastanganin ang isang lugar na sagrado para sa mga Muslim.
—-