Dapat ipakita ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang parehong sigasig nito sa pagdalo at pagtugon kapag kailangan at hindi mamili lang.
Ito ang pahayag ni House Committee on overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre ng Tingog Party-List bilang tugon sa biglaang pagdalo ni Dela Rosa kamakailan sa pagdinig ng Senado na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos, matapos maglaho ng ilang linggo makaraang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong kinakaharap nito sa International Criminal Court.
Ang pagdinig sa Senado ay unang pagkakataon na nakita si Senator Dela Rosa matapos ang ilang linggong pagkawala, na nagdulot ng mga usapin tungkol sa kanyang pinipiling paglutang, kasabay ng tumataas na interes ng publiko sa kanyang papel sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Nilinaw ni Acidre na tulad ng ibang mga mambabatas, may karapatan at tungkulin si Dela Rosa na dumalo sa mga opisyal na gawain ng mataas na kapulungan, kahit pa panahon ng kampanya.
Ipinunto rin ng assistant Majority Leader ng Kamara na walang ligal na hadlang sa ngayon na pumipigil sa dating PNP Chief na tuparin ang kanyang mga tungkulin bilang mambabatas, at ikinalugod ang kanyang pagbabalik sa mga sesyon ng Senado.