Muling hinamon ng House Quad Committee si dating PNP Chief at ngayo’y Senator Ronald Dela Rosa na humarap sa kanilang imbestigasyon imbes na magtago sa media.
Nabatid na muling ipinagpatuloy ng Komite ang imbestigasyon kaugnay sa ilegal na droga, Philippine Offshore Gaming Operators at extra-judicial killings.
Ayon kay Manila rep. Bienvenido Abante Jr., nais lamang aniyang humarap si Sen. Dela rosa para maging malinaw ang lahat ng bagay kaugnay sa kalakalan ng dating administrasyon.
Iginiit pa ni Cong. Abante na ang kanilang imbestigasyon ay hindi political motivated sa mga nabanggit na isyu tulad ng ipinapalabas ng senador sa media tuwing nakakalkal ang kanyang papel sa war on drugs kung saan siya ang unang nagpatupad bilang PNP Chief ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag pa ng Kongresista na hustisya ang hanap ng Kongreso para sa mga biktima ng EJK kung saan marami sa mga kasong ito ay hindi sangkot sa ilegal na droga subalit napatay o pinatay kaya naging ‘killing fields’ aniya ang bansa. – Sa panulat ni Jeraline Doinog