Handang magpabakuna si Senadora Nancy Binay subalit hindi aniya natitiyak kung makatutulong ba ito sa pagbabalik ng kumpyansa ng publiko sa pagbabakuna kung sakaling isapubliko niya ang pagtuturok sa kanya ng COVID-19 vaccine dahil takot siya sa karayom.
Ako more than willing kaso hindi ko alam kung makakatulong kung gagawin kong public kasi nga diba tulad nang binanggit ko na ninenerbyos ako baka makita nilang nagtitili ako doon o naghahabulan kami ng magtuturok sa akin,″ pahayag ni Senadora Nancy Binay sa Usapang Senado sa DWIZ.
Pahayag pa ng Senadora na mas nais niyang mabakunahan ng bakuna na gawa ng Johnson & Johnson dahil aniya’y isang beses lamang ito ituturok kumpara sa ibang brand ng bakuna na dalawang dose ang kinakailangan.
Sa akin on my part talagang inaantay ko ang Johnson & Johnson na bakuna kasi diba yun yata ang isang dose lang…sana, sana iyon ang maiturok sa akin,″ wika ng Senadora.
Samantala, handa naman raw ang pamilya ng Senadora na huli nang mabakunahan dahil dapat aniyang mauna ang mga Pilipinong manggagawa na kailangan na lumabas para makapagtrabaho.
Para kasi sa amin we are willing to do the sacrifice na to stay home muna , kasi alam naman natin yung shortage ng vaccine. Kaya kumbaga sa priority unahin muna nating mga kababayan natin, na kailangang-kailangan na talaga nilang lumabas para makapagtrabaho na sana sila muna ang unahin na bigyan ng bakuna. Kami willing na kami sa huli, doon sa bandang dulo,″ ani ni Senadora Binay.— sa panulat ni Agustina Nolasco.