Nanganganib na umanong humantong sa Ecological Genocide ang isla ng Boracay dahil sa polusyon, overcrowding at commercialization sa lugar.
Ayon iyan kay Senadora Nancy Binay ay kung hindi aniya maagapan ang kasalukuyang problema ng isla tulad ng pagtaas ng lebel ng coliform bacteria sa dagat dahil sa walang habas na pagtatapon ng mga dumi at basura rito.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committees on Environment and Natural Resources at Finance, binigyang diin ni Binay na hindi lamang ang Boracay ang siyang humanarap sa ganitong uri ng problema kung hindi maging ang iba pang tourist destination sa bansa.
Matapos tingnan ang sitwasyon sa buong isla bago ang isinagawang pagdinig, sinabi ni Binay na lubhang kailangan sa ngayon ang pangmatagalang aksiyon para pangalagaan ang kalikasan at mga likas yaman ng bansa tulad ng Boracay.
Pagtatatag ng development authority sa Boracay, ikinakasa
Balak ng Department of Tourism (DOT) na magtatag ng isang development authority sa isla ng Boracay para pangalagaan ang kalikasan at kaayusan sa naturang lugar.
Ito ang tugon ni Tourism Secretary Wanda Teo sa pagtatanong ni Senate Committee on Environment and Natural Resources Chair Cynthia Villar sa ginawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga problemang kinahaharap nito.
Ayon kay Teo, mayruon nang nakalatag na master plan para sa Boracay na nasa kostudiya ng lokal na pamahalaan mula pa nuong 1991 subalit hindi pa rin ito aniya nasusunod hanggang sa ngayon.
Giit ng kalihim, dapat nang maki-alam ang national government sa isla dahil sa tila napabayaan na ito ng lokal na pamahalaan at naisantabi na ang kalikasan sa harap ng negosyo.
Jaymark Dagala / Cely Ortega-Bueno / RPE