Mistulang nagmadali ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagpapalabas ng mga bagong disensyo ng limampiso.
Ayon kay Senadora Nancy Binay, hindi pa handa ang mga ticket ng vending machine ng MRT at LRT sa mga bagong labas na baryang ito.
Maliban dito, sinabi ni Binay na malaking kalituhan din ang idinulot ng bagong disenyo ng limampiso lalo’t kasinlaki at kakulay rin nito ang piso.
Sana bago nila inimplement itong bagong limang pisong barya, sana nagkaroon muna ang BSP ng information dissemination para malaman ng ating kababayan na babaguhin na pala ang disenyo ng limang piso. Buti sana kung ‘yung disenyo ng bagong limang piso ay katulad ng dating limang piso, ang kaso lang ibang iba ito. Pagdating sa size, mas maliit kaya maraming nalilito na ‘yung limang piso nila ngayon akala nila piso lang.
Dahil dito, nananawagan si Binay sa BSP na ipaalam sa publiko kung plano na ba ng Bangko Sentral na baguhin ang lahat ng disenyo ng mga barya upang hindi na lamang basta nagugulat at nalilito ang mga mamamayan.
Baka ang pwedeng gawin ng BSP ay full disclosure, babaguhin din ba nila ‘yung disenyo pa ng ibang barya? Hindi ‘yung pakonti-konti ‘yung labas ng barya natin.