BUNSOD ng mabigat na epekto ng pandemya na pinapasan ng mga mahihirap na komunidad dulot ng COVID-19 pandemic, namahagi ng tulong si Sen. Christopher “Bong” Go sa mga market vendors, tricycle drivers at indigent families sa San Antonio, Zambales.
Sinasabing sa dalawang araw na distribusyon, ipinaalala ni Go sa mga benepisyaryo ang simple pero epektibong paraan upang mapigilan ang paglaganap ng virus, tulad ng pagpapabakuna sa lalong madaling panahon.
“Huwag nating isantabi ang mga basic protocols, gaya ng pagsuot ng mask, palaging paghugas ng kamay, pag-obserba ng social distancing, at pananatili sa loob ng bahay kung hindi naman kailangang lumabas. Paulit-ulit na ito, kung hindi tayo susunod, mas mahihirapan tayo,” pagbibigay-diin ni Go.
Namahagi ang staff ni Go ng meals at masks sa kabuuang 3,000 residente habang nagsagawa rin ito ng aktibidad, by batch, sa San Antonio Youth Center bilang pagtalima sa health protocols laban sa COVID-19.
“Magtiwala tayo sa national vaccine program at magpabakuna na kaagad, ayon sa priority order na ipinapatupad. Tuluy-tuloy naman ang pagdating ng bakuna at pinapabilis na natin ang rollout upang marating natin ang population protection leading to herd immunity sa lalong madaling panahon,” wika ng senador.
Ang ilang piling indibidwal naman ay binigyan ng bagong sapatos, bisikleta, at maging computer tablets para sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Nag-alok din si Go, Chair ng Senate Committee on Health and Demography, ng karagdagang ayuda sa mga nangangailangan ng atensyong medikal, kasabay ng panawagan na magtungo sa Malasakit Center sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa bayan ng Iba.
Pinasalamatan naman ng senador ang lahat ng mga lokal na opisyal sa patuloy na pagtulong sa mahihirap at marginalized communities na apektado ng pandemya.
Samantala, bilang Vice Chair din ng Senate Finance Committee, sinuportahan ni Go ang iba’t ibang inisyatiba upang sumigla ang ekonomiya at makalikha ng trabaho sa lalawigan, kabilang na ang pagsasaayos ng public markets at slaughterhouses sa San Antonio.