Aminado ang ruling administration party na Liberal na wala sa kanilang plano sa 2016 Presidential race si Senador Francis Escudero.
Ayon kay Budget Secretary Florencio Butch Abad, nag-aalangan ang maraming miyembro ng partido kay Escudero dahil sa pagkontra nito sa kandidatura noong 2010 ni Secretary Mar Roxas bilang Bise Presidente.
Magugunitang hayagang sinuportahan ni Escudero na tumatakbo noon sa ilalim ng Liberal bilang guest candidate ang tambalang Noy-Bi o Aquino – Binay tandem.
Gayunman, sinabi ni Abad na nananatiling malapit sa administrasyon si Escudero partikular sa Pangulong Noynoy Aquino.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring pahayag sa panig ni Escudero kung tatakbo ito sa pagka-Pangulo o Pangalawang Pangulo sa napipintong halalan.
Not a member
Binigyang diin naman ni Senator Chiz Escudero na hindi sya miyemrbo ng Liberal Party.
Sa gitna ito ng ulat na hindi kasama si Escudero sa plano ng LP sa 2016 elections.
Ayon kay Escudero, nanatili siyang independent simula nang bumitaw siya sa Nationalist People’s coalItion noong 2010.
Sakali man aniya na tumakbo sya sa mas mataas na posisyon mas makakabuting manatili pa rin syang independent dahil ang tao ang siyang dapat na pagserbisyuhan at hindi ang anumang partido.
Pinalagan din ni Escudero ang ginawang paninisi sa kanya ng LP sa naging pagkatalo ni Sec. Mar Roxas laban kay Vice President Jejomar Binay noong 2010.
Aniya, ang mga botante ang siyang nagtatalaga ng panalo at kasabay nito ay ang pagkatalo naman ng iba.
By Jaymark Dagala | Rianne Briones