Sinisi ng grupong AKBAYAN Youth si Senador Francis Escudero na siyang nagsulong para bigyan ng parangal si Pangulong Rodrigo Duterte ng Unibersidad ng Pilipinas.
Ayon kay Cassey Deluria, pinuno ng Akbayan Youth at papasok na Pangulo ng UP Student Regents, tila walang prinsipyo si Escudero dahil sa kaniyang naging hakbang.
Lumalabas aniyang isang balimbing si Escudero na tila kumikiling na ngayon sa administrasyon dahil sa paniniwalang malakas ito sa kasalukuyan.
Magugunitang tumakbo si Escudero bilang running mate ni Senadora Grace Poe noong halalang pampanguluhan noong isang taon.
Samantala, pinabulaanan ni University of the Philippines Board of Regents Secretary Attorney Roberto Lara, na si Senador Chiz Escudero ang nagsulong upang bigyan ng honorary doctorate degree si Pangulong Rodrigo Duterte.
Taliwas ito sa lumabas na summary ng naging pagpupulong ng BOR o Board of Regents noong April 5.
Paliwanag ni Atty. Lara, kanilang pinakinggan muli ang taped recording ng pagpupulong at natuklasang hindi si Escudero ang naghain ng mosyon para bigyan ng parangal ang Pangulo.
Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si Lara para sa pagkakamali sa summary ng meeting at sa posibleng epekto nito kay Escudero.
Una nang itinanggi ng Senador na siya ang nagsulong sa pagbibigay ng parangal sa Pangulo bagamat hindi niya ito tinututulan.
By Jaymark Dagala | Krista de Dios | with report from Jill Resontoc (Patrol 7)
Escudero sinisi sa parangal ng UP kay Pangulong Duterte was last modified: April 20th, 2017 by DWIZ 882