Ipinagpaliban ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204 ang pagbasa ng sakdal laban kay Senadora Leila de Lima kaugnay sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Ito’y makaraang igiit ng kampo ng Senadora sa Korte na may nakabinbin pa silang mosyon na kukuwesyon sa inilabas na warrant of arrest ni presiding Judge Juanita Guerrero laban sa mambabatas.
Kasunod nito, hiniling din ng kampo ng Senadora ang pag-iinhibit ni Judge Guerrero sa nasabing kaso dahil sa lack of independence, cold neutrality at impartiality ng naturang huwes.
Muli namang itinakda ng Korte sa Enero 24 ng susunod na taon ang pagbasa ng sakdal laban kay De Lima hinggil sa nasabing kaso.