Katarungan at kalayaan.
Ito ang hiling ni Senador Leila De Lima sa kanyang kaarawan ngayong araw.
Sa ipinalabas na pahayag ni De Lima, sinabi ng senado na nais niyang makalaya hindi lamang sa hindi makatarungang pagkakakulong kundi maging sa mga kasinungalingan at mga paninira sa kanyang pagkababae at pagkatao.
Nais din ni De Lima na malinis ang kanyang pagkatao hindi lamang para sa sarili kundi para sa kanyang mga magulang, kapatid, anak at mga apo.
Iginiit pa ng senadora na siya ay inosente mula sa mga inaakusa laban sa kanya at sinabing hindi niya pinangarap na maging abogado at lingkod bayan para lamang sirain ang kanyang pangalan.
Sa huli, nagpasalamat si De Lima sa kanyang mga natatanggap na suporta at hinihiling na sana aniya’y lumabas ang katotohanan, mabigyan ng katarungan ang mga napagkakaitan ng hustisya at manaig aniya ang demokrasya.