Pinabubusisi ni Senador Leila De Lima sa kinauukulang komite sa senado ang kahandaan ng Metro Manila sa posibleng pagtama ng “The Big One”.
Nakasaad sa inihaing resolusyon ni De Lima na mahalagang matiyak ang kaligtasan ng lahat sakaling gumalaw ang west valley fault.
Dapat aniyang suriin ng senado ang Republic Act number 6541 o National Building Code of the Philippines para malaman kung kailangan na ba itong maamyendahan.
Ayon pa kay De Lima, kinakailangan ng hollistic assessment at palakasin ang kapasidad ng mga ahensya ng gobyerno, local government units at iba pang stakeholder para matiyak na hindi magiging malawak ang pinsala ng “The Big One”.
Batay sa isinagawang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency, inaasahan na ang pagtama ng malakas na lindol kung saan apatnapung porsyento ng mga gusali sa kalakhang Maynila ang posibleng maapektuhan at marami rin umano ang pinangangambahang masawi.
By Meann Tanbio