Tinawag ni Senador Leila De Lima na clown ng Duterte aministration si Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Ito ay matapos ng pagpatol umano ng kalihim sa fake news na nagdadawit sa ilang miyembro ng oposisyon sa kaguluhan sa Marawi City.
Sa isang liham, sinabi ni De Lima na ang paggamit ni Aguirre sa isang larawan na walang kinalaman sa gulo sa Marawi City ay isang kahangalaan.
Aniya, layunin nito ang i-ugnay ang mga kilalang miyembro ng oposisyon sa teroristang grupong Maute.
Dagdag pa ng senadora, ang hakbang ni Aguirre ay bahagi ng fake news campaign ng administration upang manipulahin ang katotohanan at hindi na madetermina ng publiko.
Aguirre kumambyo sa naging pahayag nito na nagsasangkot si Sen.Aquino sa kaguluhan sa Marawi
Kumambyo si Justice Secretary Vitaliano Aguirre kaugnay ng kanyang pahayag na nagsasangkot si Senador Bam Aquino sa kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay Aguirre, kanyang naberipika na nagtungo si Aquino sa Marawi City noong Mayo 19 sa imbitasyon ni Lanao del Sur Governor Alonto Adiong para sa paglulunsad ng negosyo center.
Taliwas ito sa naunang isiniwalat ni Aguirre na nagkipagpulong si Aquino kasama ang pang miyembro ng oposisyon at ilang kilalang pamilya sa Marawi City, dalawang linggo bago sumiklab ang kaguluhan sa lungsod.
Kasunod nito, pinabulaanan rin ng kalihim na nagpalabas o nagbigay siya ng kopya ng larawan ng sinasabing pulong.
Una nang napag-alaman na ang larawan na ipinakita ng kalihim kung saan makikita sina Senador Antonio Trillanes, Magdalo Representative Gary Alejano at dating Secretary Ronald Llamas ay kuha pa noong 2015 sa Iloilo City.
By Krista De Dios | With Report from Cely Bueno