Nababahala si Senador Leila de Lima sa naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara ng Martial Law at uutusan ang ehekutibo na huwag sundin at kilalanin si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sakaling maging balakid ito sa kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Ayon kay De Lima, wala siyang nakikitang offensive sa liham ni CJ Sereno sa Pangulo kaya’t kalabisan ang naging reaksyon ng Presidente rito.
Indikasyon aniya ito na maaaring humantong sa totalitarianism ang ganoong klase ng reaksyon at hindi pagrespeto sa ibang opinyon ni sereno na lider ng isang co-equal branch ng gobyerno.
Iginiit pa ni De Lima na kung iginigiit ng Malakanyang na rhetorics lang ang naging pagbabanta ng Pangulo na magdedeklara ng Martial Law, dapat ay kinukontrol na lang ng Pangulo ang paghahayag ng ganito.
Sinabi ng Senadora na nakabase sa magiging reaksyon ng hudikatura sa naging pagbabanta ng Presidente kung maaari itong humantong sa constitutional crisis.
By: Meann Tanbio / (Reporter No. 19 ) Cely Bueno