Hindi na raw kailangang manghiram o mangutang ng pamahalaan para may ipambili ng bakuna kontra COVID-19 kung gagamitin nito ang nasa P19-M anti-insurgency fund.
Ito’y ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ngayong ikinukunsidera ng pamahalaan ang paghiram sa World Bank o sa Asia Development Bank (ADB) para ipambili ng bakuna dahil nagsisimula na ang pakikipag-negosasyon ukol dito sa isang pharmaceutical company.
Dagdag pa ni Drilon, sinabi aniya ni COVID-19 vaccine Czar, Secretary Carlito Galvez na 50-M dose ng bakuna ang inisyal na planong bibilhin para sa 25 milyong Pilipino.
Ibig sabihin, 2 dose ng bakuna kada tao ay nagkakahalaga ng $10.
Kung susumahin, aabot sa $250-M o higit sa P12-B ang kailangan ng pamahalaan para sa target na inisyal na bibilhing bakuna para sa 25 milyong Pilipino.
Paliwanag ni Drilon, hindi na kakailanganing mangutang ng bansa kung i-re-realign nito ang P19-B budget para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para may maipambili ng bakuna.
Nauna nang sinabi ni Secretary Galvez, na kakailanganing mangutang ng bansa sa ating mga credit partners dahil sapat ang inilaang pondo para ipambili ng bakuna kontra COVID-19.
Mababatid na ikinukunsiderang utangin ng pamahalaan ay $9-B o higit sa P433-B. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)