Magpapatawag muli ng pagdinig sa Senado ang basic education committee para malaman ang plano ng Department of Education (DepEd) sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, chair ng naturang komite, mahalagang siyasatin at malaman ang mga gagawin ng ahensya para matiyak ang kahandaan ng mga guro at mag-aaral sa bagong uri ng pag-aaral sa bansa na online learning dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ni Gatchalian, layon ng naturang pagdinig na makatulong sa sektor ng edukasyon oras na may kailangan pa itong gawin para masabing 100% na itong handa.
Samantala, sa tingin naman ni Senador Gatchalian, ang unti-unting pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, ay maaaring indikasyon na pupwede nang magbalik sa eskwela ang mga mag-aaral kasabay ng mahigpit na pagsunod sa minimum health standard kontra sa nakamamatay na virus.