Kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month, pinapurihan ni Senate Committee chairman for Basic Education Sen. Sherwin Gatchalian ang sakripisyo ng mga guro at pagmamahal ng mga ito sa bayan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ng senador na maraming hinaharap na hamon ang sektor ng edukasyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Taon-taon aniya ay dumarami ang populasyon ng mga estudyante ngunit hindi naman kalakihan ang pondo ng kagawaran ng edukasyon dahil marami ring pangangailangan ang bansa.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Gatchalian na hindi nila pababayaan ang nasabing sektor.
”Ang mensahe na gusto ko po ipaabot sa ating mga guro ay hindi po natin sila pababayaan lagi ho nating ipaglalaban po yung kanilang hinaing at kanilang mga karapatan at kaya nga ho inumpisahan ko sa sakripisyo dahil alam kong maraming problema ang ating sektor ng edukasyon hindi lang po sa kaguruan ho natin kundi sa buong sektor…”
Nagpaabot naman ng pagbati si Senator Gatchalian sa mga guro sa bansa.
Dahil po sa kanila naipagpatuloy ho natin ang edukasyon sa ating bansa hindi man naging madali, at malaking sakripisyo po ang pinakita ho nila at ito po ay para sa akin ay talagang patunay na ang Gurong Pilipino ano ho ay kaya lampasan kahit anong hamon na mararanasan po ng ating bansa…” —Senate Committee chairman for Basic Education Sen. Sherwin Gatchalian, sa panayam ng DWIZ.