Nagkainitan at nagkasagutan sina Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon at dating Customs Chief Nicanor Faeldon sa pagpapatuloy ng pagdinig ukol sa shabu smuggling at umano’y ‘tara system’ sa Bureau of Customs o BOC.
Matapos ang ilang buwang pagkaka-detine sa Senado, humarap muli sa hearing si Faeldon makaraang magbigay ng ultimatum si Gordon na ililipat na ito sa Pasay City Jail oras na patuloy na magmatigas ang dating pinuno ng Customs.
Mistulang sinermunan at sinumbatan ni Gordon si Faeldon sa mga pabor na ibinigay ng senado sa kabilang ng pagkakakulong dito ng dating Customs Chief.
Pero umalma si Faeldon at kinontra ang mga pahayag ng Senador.
Ayon kay Faeldon, hindi niya gusto ang pamamaraan ng paghawak ni Gordon sa pagdinig.
Inakusan nito si Gordon na hindi naman talaga interesado na lumabas ang katotohanan.
Binigyang-diin ni Faeldon na nais lamang niyang lumabas ang buong katotohanan kaya’t humarap siyang muli sa Senado.
Sen. Drilon at Sen. Sotto may hiningi umanong iligal na pabor kay Faeldon
Nanindigan si dating Customs Chief Nicanor Faeldon na walang hinihinging iligal na pabor sa kanya ang magbayaw na sina dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio na asawa ni Davao City Vice Mayor Inday Sara Duterte.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Faeldon na ni minsan ay hindi aniya tumapak sa kanyang tanggapan si Duterte habang si Carpio naman ay nakabisita na ng isang beses ngunit ang tangi lamang nilang napag-usapan ay tungkol sa mga kasong hawak ng abogado sa Davao Port.
Kasabay nito, pinangalanan naman ni Faeldon sina Senador Franklin Drilon at Senador Tito Sotto na may hinihinging iligal na pabor sa kanya.
Sinabi ni Faeldon na hinihimok siya ni Drilon na lumagda sa isang Memorandum of Agreement o MOA kasama ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para ma-renovate ang tanggapan ng Customs sa Iloilo gamit ang pondo mula sa NHCP.
Samantala, isang Eric Alban naman ang inilalakad umano ni Senador Tito Sotto kay Faeldon para maitalaga bilang direktor ng customs intelligence.