Hiniling ni Senador Grace Poe sa Senate Electoral Tribunal na desisyunan na ang disqualification case na inihain laban sa kaniya kahit wala na ang resulta ng dna tests kaugnay ng pagkuwestiyon sa kaniyang citizenship.
Pormal na ipinaalam ng senadora sa tribunal sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Atty. Alexander Poblador sa tatlong pahinang manipestasyon na inihain ng kampo ni Poe sa SET nitong Huwebes, na negatibo ang resulta ng isinagawang DNA tests sa kanya mula sa sample na kinuha sa mga posibleng tunay nitong kamag-anak.
Sa kabila ng resulta ng DNA tests, nanindigan ang kampo ni Poe sa kanilang posisyon na natural-born Filipino ang mambabatas at kuwalipikadong manatili bilang halal na senador ng bansa.
Bagaman ipagpapatuloy umano ni Poe ang paghahanap sa kaniyang mga tunay na magulang, sinabi nito na wala na siyang itutugon sa petisyon na inihain laban sa kaniya at ipapaubaya na niya sa set ang magiging desisyon.
By: Mariboy Ysibido