Ikinalungkot ni Senador Risa Hontiveros ang naging komentaryo ni Davao City Mayor Sara Duterte -Carpio hinggil sa umano’y pagsuporta ng senadora sa Maute Group.
Sinabi sa DWIZ ni Hontiveros na pawang pekeng report at litrato ang lumabas kaya’t sana aniya ay nalinaw ito ni Mayor Sara sa kanya gayung nagkakausap naman sila.
Sa katunayan aniya ay madalas silang magpalitan ng text messages ng alkalde hinggil sa iba’t ibang isyu.
“Sobrang friendly yung ano namin, kaya talagang nalungkot ako. Siguro bago pa mag-post ng ganun bakit hindi muna kaya sya nagtext o tumawag sa akin para tanungin lang ako diba? Yan ba talaga ang sinabi mo? Yan ba ang pinaliliwanag mo?”, ani Hontiveros.
Ayon pa kay Hontiveros, hindi siya hihingi ng anumang apology kay Mayor Sara subalit umaasa siyang maging malinaw talaga ang usapin.
“Para sa’kin sapat na po yung pagpapahayag mo ng lungkot, dahil nga sa alam kong naging friendly ang ugnayan namin, bilang mga kabaro at pareho ho leaders. Hindi ako humingi ng ano pa man sa kanya pero umaasa sana ako na mailagay sa linaw ulit ang isyung ito sa aming dalawa. Well, siyempre pinagsisimulan ko kasi yung sinimulan naming magandang ugnayan”, paliwanag ni Hontiveros sa panayam ng DWIZ.
By Judith Estrada – Larino | IZ Balita Nationwide Program (Interview)