Nanawagan si Senator Imee Marcos sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang serye ng pandurukot at pamamaslang sa mga indibidwal partikular na sa mga kabataang kababaihan sa ilang lugar sa bansa.
Ayon sa Senadora, dapat siyasatin ng mga otoridad kung ano ang nag-ugat sa pagkawala sa isang 15-anyos na babaeng biker sa san Jose Del Monte City na natagpuang wala nang buhay sa Bustos, Bulacan.
Nabatid na may mga pasa, paso ng sigarilyo, at mga strangulation marks o fracture ang dalagita na nagpapakitang ginahasa ito batay na rin sa resulta ng isinagawang forensic autopsy ng mga otoridad.
Sinabi ni Senator Imee na nakababahala na ang naitatalang magkakasunod na krimen sa mga kababaihan lalo pa’t nagsimula na ang Balik-Eskwela para sa 28K estudyante.
Iginiit ng Senadora na dapat maparusahan ang mga salarin na nasa likod ng pagkawala ng mga indibidwal lalo na ng mga kababaihang ginahasa at brutal na pinaslang.
Sa ngayon, pinamamadali na ni Senator Marcos ang pagkilos ng mga Law Enforcement Agencies upang masugpo ang insidente ng sunod-sunod na pagdukot at pagpaslang sa mga inosente.