Sabik nang magbalik trabaho bukas si Senador JV Ejercito makaraang baliktarin ng sandiganbayan ang suspension order na ipinataw sa kaniya ng ombudsman.
Sa panayam ng DWIZ, nagpasalamat si Ejercito sa patas na paghatol sa kaniya ng anti-graft court na siyang dumirinig ng kasong graft na kaniyang kinahaharap.
Magugunitang nag-ugat ang reklamo kay Ejercito ang umano’y maanomalyang pagbili ng armas ni Ejercito nang siya’y alkalde pa ng San Juan.
Kasunod nito, binanatan ni Ejercito si Ombudsman Conchita Carpio Morales dahil sa aniya’y pagiging biased nito sa mga kalaban ni dating Pangulong Noynoy Aquino na siyang nagluklok kay Morales sa puwesto.
Ilang batas nais tutukan ni Sen. JV Ejercito sa pagbabalik Senado
Trabaho agad ang aatupagin ni Senador JV Ejercito sa kaniyang pagbabalik Senado bukas, araw ng Lunes.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Ejercito na kaniyang tututukan ang panukalang nagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte upang maresolba ang malalang problema sa trapiko.
Kasunod nito, nagpahayag din ng pangamba si Ejercito sa patawan ng excise tax ang mga produktong petrolyo na aniya’y dapat pag-aralang mabuti ng administrasyon.
By: Jaymark Dagala