Nagsagawa ng ocular inspection ang mga mambabatas sa housing units na una nang inukupa ng mga miyembro ng Kadamay sa Pandi, Bulacan.
Pinangunahan ni Senate Committee on Urban Planning, Housing and Settlement Chair JV Ejercito ang nasabing inspeksyon sa mga nasabing housing unit.
Sa kaniyang pagpasok sa isang unit, sinabi ni Ejercito na napakainit sa loob at wala pang kuryente at tubig na dapat sana aniyang unang tiniyak bago ipamahagi.
Hindi rin aniya uubra ang nasabing sukat ng bahay para sa normal na bilang ng isang pamilyang Pilipino, bagamat nakikita naman niyang ligtas tumira sa mga nasabing housing unit.
“Hindi naman hayop dapat ang trato sa tao, dapat kung sakali mang iturn over natin yan dapat may tubig, may kuryente at least may utilities man lang. So, yan din ang gusto nating malaman. Narinig ko na meron daw na mga pinalipat wala pang tubig at kuryente, siguro sa susunod na pwedeng gawin may option noh? May mas malaki, may mas maliit kasi para sa maliit na pamilya baka pu-pwede na, yung iisa lang ang anak pero yung itong usual, regular Filipino family yan madalas kasama ang magulang hindi talaga uubra yan”, pahayag ni Ejercito.
Ipinaabot din ni Ejercito ang pag-aalala sa magiging daloy ng trapiko sa lugar na pawang makikipot ang mga daan lalo na’t kapag naukupahan na ang lahat ng housing units.
Dahil dito, tiniyak ni Ejercito ang tulong sa local government unit para maisaayos ang buhay ng mga titira sa mga naturang pabahay ng gobyerno.
“Two-way lang ang daanan nito, hindi pa napupuno itong mga relocation sites, we have only 11 relocation sites out of 18 sa buong Bulacan dito sa Pandi. Nakakapagtaka, napakalinis ng kalye, napaka-backward, noong una ano to eh, rural area talaga. Talagang kinakailangan nating matulungan din ang local government, masuportahan, dahil yung serbisyo nila dito, yung dating Mayor naintindihan ninyo siguro, na yung serbisyo…basura, health, education, lahat tataas lahat eh. So, kawawa din yung, we cannot expect the local government of Pandi na maibigay serbisyo nila kung hindi masusuportahan”, ani Ejercito.
By Judith Larino |With Report from Cely Bueno