Hinimok ni Senate President Koko Pimentel ang European Union (EU) Parliament na mag soul searching, upang malaman ang dapat nilang kalagyan sa mundo.
Ito ay kasunod ng kanilang panawagang palayain si Senador Leila De Lima, na kanilang itinuturing na political prisoner.
Sinabi ni Pimentel na bagamat malaya ang EU na magpahayag ng kanilang sentimyento, hindi naman ito dapat nanghihimasok sa mga usaping panloob ng iba’t ibang bansa.
Binalaan din ni Pimentel ang EU na huwag magtatangkang diktahan ang sendo hinggil sa committee chairmanship sa senado.
DFA dapat maghain ng note verbal vs EU – Sen. Sotto
Iminungkahi ni senate Majority Floor Leader Tito Sotto ang Department of Foreign Affairs o DFA na maghain ng note verbal sa European Union, kasunod ng kanilang panawagan na palayain si Sen. Leila De Lima.
Sinabi ni Sotto na kailangang maiparating sa European Union na demokratikong bansa ang Pilipinas na pinamumunuan alinsunod sa batas, at hindi sila maaring makialam sa panloob na usapin nito.
Sinabi ni Sotto na makabubuti rin na maipaliwanag sa European Union ang detalye ng kaso ni De Lima.
EU hindi dapat makialam sa panloob na usapin ng PH – Palasyo
Sinabihan ng Palasyo ang European Union na huwag makialam sa panloob na usapin ng bansa, partikular ang hinggil sa pagpapalaya kay Senador Leila De Lima.
Sinabi ni Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo na walang karapatan ang European Union parliament na makialam sa ginagawa ng pamahalaan lalo na at sumusunod naman ito sa proseso.
Binigyang diin ni Panelo na hindi political prisoner ang senadora at isa lamang itong ordinaryong akusado na nahaharap sa kasong kriminal.
By Katrina Valle |With Report from Cely Bueno / Aileen Taliping